Ang Babarat Ninyo, Thank You!

LITERARI

Christine Belle Magtoto

12/25/20251 min read

Mano po, Ninong, mano po, Ninang!

Narito kami ngayon, hahalik sa inyong kamay

Mga bulsa’y buong taong nag-aabang,

Bukas na ba ang pinto ng inyong matayog na bahay?

Pagsilip ninyo’y tanaw sa kurtinang may siwang,

Bingi-bingihan at bulag-bulagan, aba, kayo’y lumubay!

Pasko ang takdang araw ng pagbabayad sa inaanak ng utang,

Ano ba naman ang kahel sa mga bulsang ginto ang taglay?

Kahel ang hinahanap-hanap ng kamay na nagtitimbang.

Hindi numero ang basehan, kundi hatol na kasingtibay,

Kasingkulay, at kasingrahas ng rehas na nangangalawang—

Pinangako ninyong Paskuhan ng mga bantay-salakay.

Ngunit heto sila, ngayo’y puno ang hapag at nagdiriwang

Habang kami’y nanlilimos ng inyong tira-tirang pansit at tinapay,

Sapagkat ang aming tahana’y kanilang ibinaon hanggang baywang,

Lunod ang diwa ng Pasko, pag-asa’y gutay-gutay.

Salamat, Ninong, salamat, Ninang!

Sa aguinaldo pong inyong ibinigay:

Mga pangakong ipinako, may salang ‘di itinuro, at sobreng kinulang.

Nawa’y manuot ang pait sa inyong mga pamaskong kampay.