Araw ng Paghuhusga
LITERARI


Kung muling bababa para maningil ang Diyos
ay wala na Siyang daratnan para gunawin,
dahil bago pa man Niya ibagsak sa atin ang unos
ay kapabayaan na ang unang kumitil sa atin.
Hindi bagyo ang tanging maysala sa mga pagpanaw,
kundi pati ang mga kamay na lumustay sa mga perang
nailaan sana para pigilan ang mga pag-apaw
ng mga ilog at sapang tumangay sa mga tahanan.
Kung naisin ng Diyos na bawiin ang kagubatan
ay ano pang susunugin Niya kundi ang kalapastanganan
ng mga ganid na maski ang likas ay ipinagkanulo
para sa kakaunting silip ng sinasabi nilang paraiso?
Nauna na tayong dalawin ng impyerno
ng taksil na pamamahala ng mga pulitikong
nahimbing sa ginhawa ng kanilang mga kwarto
habang nanghihingi ng saklolo ang mga nasa bubong.
Kaya kung totoo man ang pagbabalik ng Ama,
nawa'y hindi Niya mapatawad ang mga buwaya
at iparanas sa kanila ang kadagat-dagatang apoy
kapalit ng ilang dekada nating panaghoy.
At kung sakaling biguin man ng propesiya
ang galit ng bayang patuloy na inaalipusta
ay hindi magpapatawad ang mga matang
nakatutok sa kawalang-hiyaan ng sistema.
Dahil kung hindi ang Diyos ang kikilos
ay taumbayan ang manghihingi ng sagot
sa mga taong dapat managot.
