Araw ni Andres Bonifacio


"Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, Wala."
Sa paggunita sa kapanganakan ng Ama ng Himagsikan at Rebolusyong Pilipino, hindi lamang tayo nagsasariwa ng nakaraan. Hinaharap natin ang katotohanang matagal nang isinisigaw ng bawat sugat ng bayan na ang kalayaan ay kailanman hindi ipinagkakaloob, kundi ipinaglalaban.
Mula sa pagsilang ni Andres Bonifacio hanggang sa marahas niyang pagpanaw, nanatiling wagas ang kanyang paninindigan. Lumaban siya sa anumang anyo ng pang-aapi at hindi sumuko sa kapangyarihang nagnanakaw ng dangal at yaman ng bayan.
Ngayong araw, sa kanyang kaarawan, kasabay ng lumalakas na paniningil ng masa sa iba’t ibang panig ng bansa, nagsasanib ang galit ng sambayanang sawang-sawa sa pangungulimbat at sa korapsyong tumatagos sa mismong himaymay ng lipunan.
Matagal nang nananaghoy ang taumbayan sa walang-katapusang pag-ikot ng mga imbestigasyon na umuusad na wari bang walang mata at walang tainga. Panahon na upang hindi lamang kilatisin ang mga mandarambong, kundi tuluyan silang papasanin ng bigat ng batas at ng poot ng sambayanang matagal nilang pinagsamantalahan.
Kaya ang The Industrialist, opisyal na publikasyong pang-mag-aaral ng Pampanga State University, ay nananatiling tapat sa paninindigan nitong hindi magwawakas ang paniningil dahil hindi tumitigil ang pagagapi ng mga mapaniil.
Dahil sa harap ng kawalan ng dangal ng mga nasa kapangyarihan, ang tunay na paglaban ay nagpapakita na ang dakilang pag-ibig—sa masa, higit lalo na sa bayan—ay hindi maluluping kailanman.
