Dasal Ni Kamatayan
LITERARI


Sa gitna ng gabi,
humahaplos ang hangin ng hikbi—
isang Ina ang nagdarasal sa tabi,
yakap ang larawang di na ngumingiti.
Mga aninong walang pangalan,
nakasumbrerong itim ng kasalanan,
“Sumuko ka,” bulong ng kadiliman,
ngunit ang sagot—kalabit ng kamatayan.
Sila ang batas na walang mukha,
ang dalit ng bala’y sa kanila ay tula.
Taimtim ang kanilang seremonya
ngunit ang dusa'y sumisigaw sa bawat eskinita.
Ang mga ilaw sa poste’y kumikindat
bilang pakikiramay sa hatol na walang bigat;
at ang lupa’y nasanay na sa dugong dumadaloy
mula sa mga pangarap na di na matutuloy.
Walang nakakakita kay Kamatayan,
ngunit kilala siya ng lahat—
sa hugis ng baril,
sa bigat ng hakbang,
at sa pulburang abo ang katapusan.
At sa umaga, natutuyo ang mga luha,
ngunit ang mga pader ay nagsasalita pa—binubulong nila ang mga pangalang
binura ng mga banal sa pula't asul na sirena.
