We are still under maintenance. Please view our website on desktop mode.

Hindi Nalubog na Alaala

BALITA

Ma. Clarisse Digol

11/1/20251 min read

Sa paggunita ng Araw ng mga Patay ngayong Nobyembre 1, kakaibang kagawian ang sumalubong sa San Matias Memorial Park sa San Matias, Sto. Tomas, Pampanga, kung saan sa halip na sa mismong puntod ay sa gilid ng kalsada nakahilera ang mga kandilang nagsisilbing tanglaw para sa mga yumaong mahal sa buhay dahil nananatiling lubog sa tubig ang sementeryo.

Patuloy ang pagbisita ng mga pamilya upang mag-alay ng panalangin at magtipon-tipon sa gilid kung saan tanaw ang madilim at lubog na sementeryo sa loob na ng ilang dekada.

Sa panayam ng The Industrialist kay Eric, 46 taong gulang, tradisyon na ng kanilang pamilya ang pagdalaw sa kanyang ama na inilibing dito pa noong 1986, at sa kabila ng paglipas ng mga taon, nananatiling sariwa sa kanya ang damdaming dulot ng matagal na pagbaha sa lugar.

“Syempre hindi mo naman makikita, malungkot ka kasi baha na diyan,” aniya.

Sa kanyang pagbabalik-tanaw, dating puno ng buhay ang memorial park dahil nakakapagtipon pa ang mga tao upang gunitain ang Undas.

"Noong maliit pa kami, maganda 'yan. Maraming tao, normal lang, pero ngayon wala na," dagdag pa niya.

Para naman kay Ric, 62 taong gulang, na patuloy na binibisita ang kanyang amang pumanaw noong 1989, nananatiling makabuluhan ang tradisyong ito kahit kailangang tumayo sa gilid ng kalsada upang mag-alay ng dasal at kandila.

“Syempre, magulang mo ’yun, kahit ganito nakakapaglagay ka pa rin ng kandila,” ani Ric.

Matatandaang mula pa noong dekada ’90 nagsimulang lumubog ang memorial park matapos ang pagsabog ng Bulkang Pinatubo noong 1991, isa sa mga dahilan ng pagbaha sa naturang sementeryo.

Ngunit sa kabila ng ganitong kalagayan, nananatiling buháy sa San Matias ang diwa ng paggunita, patunay na kahit lubog ang mga puntod, hindi kailanman nalulubog sa limot ang pag-alaala.

Known as the third-oldest student publication in Central Luzon. The Industrialist is the premier student publication of Pampanga State University (formerly Don Honorio Ventura State University).

Made by 🤍 The Industrialist Graphic Design and Digital Development Team

Powered by One Artisan, LLC.