Magsasaka ang Nagtanim, Sistema ang Kumain: Walong Pisong Bentahan ng Palay sa Pansinao, Candaba
DEBKOMPEOPLE
Kung ano ang itinanim, siya ang aanihin—ito ang gasgas na salawikaing sumasalamin sa inaasam na bunga ng matiyaga, masusi, at madugong pagkayod ng mga Pilipino sa bawat araw ng pagdarahop. Ngunit ang diwa ng pagtatanim ay higit pa sa agrikultura, kundi sa pagpupunla ng pag-asa. Sa nakasanayang pagsibol at heograpikal na wangis, hindi maikakaila na ang tradisyunal na hanapbuhay sa bansa ay umiikot sa pagtatanim at pagsasaka, kung kaya’t ito ang naging simbolo ng pangarap at katuparan sa mga nakatatandang kasabihan.
Subalit sa modernong sistema ng lipunan—sa pag-usbong at hindi na paglingon pa sa pinanggalingan—tila sila na ang isa sa mga kauna-unahang nalulugmok sa kahirapan. Sa bayan ng Pansinao sa Candaba, kasabay bumabati ng sariwang simoy ng hangin ang umaalingawngaw na hinaing ng mga magsasakang pursigidong nagtatanim. Bawat lupa ay matiyagang nilalataran ng pataba, bawat butil ay masusing ibinibilad sa kalsada, ngunit ang bawat ani ay isang madugong pagmamaliit sa mga magbubukid na Pilipinong mithiin lang ay katarungan sa presyuhan.
Kung Ano ang Puno, Siyang Nararapat na Bunga
Kung ano ang puno, siya ang bunga—karamihan sa mga natitirang magsasakang Pilipino ay lumaki mismo sa burak at pilapil. Silang minsang naglaro, nagmasid, nangarap sa bukid ang siya ngayong nagsasaka sa mga ito. Ito ay trabahong madalas ay kinagisnan, tila ba tanging pamana ng mga magulang, kung kaya’t hindi maikakaila na sila ang unang makapupuna sa ‘di makatarungang kaibahan ng noon sa ngayon.
Sa isang panayam ng The Industrialist, ayon kay August Macalino na higit tatlumpong-taon nang magsasaka, naglalaro sa nakapanlulumong walong piso na lamang ang bentahan sa bawat kilo ng palay. Walong piso ang ipinararatang na katumbas ng ani na pinaglaanaan ng libo-libong puhunan at walang katumbas na pakikipagsapalaran sa ilalim ng tirik ng man araw o sa hagupit ng mga bagyo.
“Ay sobra kababa. Pinakamababa dati [ay] katorse o dose pesos. Ngayon, halos kalahati ‘yung binaba. Tapos, syempre, nalugi pa, inutang na nga lang ‘yung ginastos, ‘di pa mabayaran. Kaya nakikipagsapalaran ulit,” saad ni August, habang inaalala ang mga mas mataas—ngunit hindi pa rin sapat—na presyo noong nakaraang mga taon.
Hindi na banyaga sa kanilang larangan ang pagiging dehado. Sa mga nakaraang taon, ang merkado ng palay ay tumutungtong na sa mga mababang numero. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumungtong ng P15.02 ang pinakamababang average price ng tuyong palay noong 2020 sa Gitnang Luzon habang P16.02 naman noong 2022 at P20.02 noong 2024. Ngunit sa pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas, ang dating agrabyado ay pinalitan ng abuso. “Dati mababa naman talaga, kaso mababa rin ‘yung pamilihan ng pataba ‘saka gamot. Noong itinaas ‘yung presyo ng pataba at gamot, ‘yon, parang bumaba ‘yung value ng palay—napag-iwanan,” paglalarawan naman ng isa pang magsasaka sa Pansinao na itatago sa pangalang Jun—walong taon pa lamang ay natuto nang mag-araro.
Mula sa kaniyang karanasan sa kinagisnang sektor, ibinahagi niya ang kakapiranggot na diperensya ng halaga ng puhunan laban sa kinalabasang ani, “Malaki ang gastos pero hindi na masyadong kumikita. Sa isang ektarya, minsan nakakagastos kami ng mahigit P50,000. Tapos aani ka minsan makaka-P60,000 lang. Kung magkapakinabang man, konting-konti lang.” Tinatayang nasa sampung libo lamang ang tubo ng mga magsasaka sa halos kalahating taon na pag-aruga sa kani-kanilang mga tanim at lupa. Higit isang libo kada buwan kung tutuusin—higit na kulang sa pang-araw-araw na gastusin.
Kung Saan May Tinimbang, Lumitaw ang Pagkukulang
Kung saan may tinimbang, lumitaw ang pagkukulang. Sa usapin ng pagbaba ng halaga ng sariwa at tuyong palay, marami ang maituturong dahilan, ngunit iisa ang kinalabasan: mga magsasaka ang nadehado, na-agrabyado, at natalo.
Isa sa mga itinuturong sanhi nito ay ang pagtalikod sa sariling angkin at pagtangkilik sa mga dayuhang bigas na inihahain. Ayon sa Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law (RTL) na ipinasa noong 2019, bilang solusyon sa mataas na pangangailangan sa bigas at nagkukulang na lokal na produksyon, pinipili ng gobyernong Pilipino na magpasok ng mga banyagang bigas sa pamilihan. Mula sa mahigpit na sistema sa pag-angkat ng bigas, isinulong ng RTL ang malayang pagpasok nito katumbas ng permanenteng taripa—hindi nagbibigay pansin sa dami ng aangkatin. Ito ang sinasabing paraan upang masustentuhan ang bawat hapag ng kinikilalang tatak ng bawat Pilipinong kainan.
Subalit sa pagpasok ng bawat butil ng bigas sa bansa, siya namang pagkakait ng kanin sa lamesa ng mga magsasaka. “Sabi nga, ‘yung pag-angkat ng bigas galing ibang bansa ‘yun ‘yung nakakaepekto sa amin. ‘Yung sa akin na noon ‘yung parang pinakamahinang klase ng bigas kasi ‘di nakukuha sa magandang presyo ‘yung palay ko,” pagkukuwento ni Ryan Dakis, isa ring magsasaka sa Pansinao, ukol sa kinakaharap na problema. Kaniyang iminungkahi na kaakibat ng pagdagsa ng iba’t ibang klase ng opsyon para sa mga mamimili, hindi na nabibigyang pansin at halaga ang mga lokal na ani.
Sa kaniyang higit 40 taong pagsasaka, hindi na bago sa kanilang pakikipagsapalaran ang pagharap sa hagupit ng habagat. Subalit, sa pagsabay ng walang-awang buhos ng tubig ulan at ng ‘di makatarungang bentahan sa pamilihan, higit na nararamdaman ang kawalan ng pag-asa sa pag-aararo. “Sa a-diyes niyan, mag-aani ako. ‘Di na tataas kasi ‘yan mag-uulan nanaman. Kasi ‘pagumuulan, ‘yung mga dealer nga hindi na puwede hingan ng mataas. Umuulan, kawawa tayo… Dumadapa, nagkakatubig, umiitim ‘yung palay. Mababa ‘yung presyo,” paglalarawan ni Ryan sa kadalasang nararanasan tuwing tag-ulan.
Isang malaking salik ang panahon sa kalalabasan ng mga ani sapagkat ang larangan ng pagsasaka ay nakadantay sa biyaya ng kalikasan. Kung kaya’t tuwing sagana ang pagragasa, kapos ang siyang naibabalik sa bulsa. “‘Yung puhunan namin nawawala, hindi bumabalik. Walang kita. Uutangin mo ‘yung pang-finance mo, saktong babalik lang ‘yung inutang mo,” ani ni Ryan. Ang senaryong ito ay isang parte lamang ng paulit-ulit na siklong hindi matakasan—kahirapan.
Sa pagkukulang ng halaga ng ani, kulang na rin ang pangtustos ng mga magsasaka sa kanilang pang-araw-araw na buhay maging sa pagpapa-unlad ng kanilang mga binhi. Kadalasan ay walang naiimbak na pangdagdag puhunan sa pagsasaka kung kaya’t napag-iiwanan ang mga lokal na operasyon laban sa mga inangkat galing ibang bansa o galing sa mga malalaking korporasyon.
Hindi iisa ang binhi na nagbunga sa mababang bentahan ng palay, kung kaya’t tiyak na hindi rin iisa ang solusyon. Subalit hangga’t walang sinisimulang aksyon, patuloy na mananatiling nasa laylayan ang mga bayani ng bawat hapag kainan.
Kung Walang Sumisira, Mayroong Giginhawa
Kung walang sumisira, mayroong giginhawa—hindi magkakaroon ng bagong tanim ang palayan kung hindi aalisin ang mga gusgusin. Ang sistema ng gobyernong Pilipino ay masasabing humahanap ng solusyon sa pagkukulang ng produksyon, subalit hindi masasabi na ito ay tunay at matatag na kalutasan kung ito’y pagtaksil sa haligi ng nasyon.
Ang hinaing ng mga magsasaka ay aksyon sa pagpigil sa dagsa ng mga inaangkat sapagkat ito ang numanakaw sa oportunidad ng kanilang pagbenta at pagpapalago ng produksyon. “Bawasan nila dapat ‘yung mga inaangkat na bigas para ‘di masyado marami ‘yung bigas. ‘Pag marami ‘yung bigas kasi, maganda ‘yun sana mga bumibili ng bigas kasi nakakamura sila eh. Kami namang farmers ‘yung tinatamaan. ‘Di bali sana kung bumibili lahat ng bigas, kaso hindi naman. Kami nagbebenta ng palay. Noong nakaraan nga, P8 na wala pang kumukuha, marami raw silang stock,” pagbatikos ni August sa patuloy na pagpasok ng mga banyagang palay sa bansa.
Ngayong taon, ang Pilipinas ay nasa ilalim ng import ban hanggang sa katapusan ayon sa Department of Agriculture bilang pagprotekta sa mga lokal na magsasaka. Pinasimulan man noong Setyembre, talamak pa rin ang epekto ng mga inangkat na bigas sa pamilihang Pilipino kung kaya’t hindi pa ramdam ang pagbabago sa bentahan ng palay. Kung kaya’t kahit manatili ang pagbabawal hanggang Disyembre, hindi nito nasisigurado ang patuloy na pagsulong; ito ay isang pansamantalang solusyon sa problemang nangangailangan ng aksyon na nakadantay sa pangmatagalang paninindigan.
Ang malinaw na pagbaba ng presyo ng mga palay ay sanga pa lamang sa mayabong na usapin sa sektor ng agrikultura; ito ay pahiwatig ng pagpapawalang-halaga sa likas at kinagisnang hanapbuhay ng mga Pilipino. Kaakibat din nito ang pagtalikod sa trabahong hatid ng lupa, binhi, at bunga sapagkat ito’y ipinipinta na may mababang halaga—mga numerong walang laban sa harap ng modernisasyon. Kaya kung patuloy na magbubulag-bulagan, ang sambayananan ay tunay magtataksil sa inang bayan—ang kaniyang angking binhi ay mapababayaan.
Kung ano ang itinanim, siya ang aanihin—nararapat na ang susunod na mga butil ay maging simbolo ng pag-asa, at hindi lamang pagkain ng sistema sa mga magsasaka.
