Opisyal na pahayag ng lupon ng publikasyong pang-mag-aaral ng Pampanga State University hinggil sa pagkansela ng klase sa kabila ng nationwide transport strike
UNIBERSIDAD


Makalipas ang ilang araw na pagtanggi ng pamahalaan na walang krisis sa langis ang bansa, idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang state of national energy emergency sa pamamagitan ng Executive Order No. 110, bunga ng lumalalang tensyon sa Middle East at panganib sa suplay ng enerhiya. Bagaman tiniyak ng administrasyon na “walang oil crisis,” patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis, na direktang nakakaapekto sa mga manggagawa, estudyante, at lokal na pamahalaan.
Sa kabila nito, mas tumitindi ang araw-araw na panggigipit sa mga drayber at pasahero. Ang kakulangan sa konkretong aksyon mula sa pamahalaan ay nag-iiwan ng libu-libong Pilipino sa hamon ng transportasyon, kasabay ng lumalaking gastusin sa bawat biyahe. Ngayon, Marso 26 hanggang 27, dalawang araw na welga ang isasagawa ng mga transport group, urban poor organizations, at progresibong sektor upang tutulan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at ang kawalan ng akses sa subsidiya ng gobyerno para sa mga drayber. Ayon sa MANIBELA, ang nanguna sa strike, aabot sa 70 porsyento ng pampublikong transportasyon ang maaaring maapektuhan, kabilang ang jeepneys, UV Express, ride-hailing services, motorcycle taxis, at trucking groups.
Hindi hiwalay ang lalawigan ng Pampanga sa problemang ito. Sa kabila ng malawakang panawagan para sa strike, pinili ng Pampanga State University na ipagpatuloy ang klase—isang desisyon na malinaw na nagpapakita ng kakulangan sa konsiderasyon sa kalagayan ng mga estudyante. Bagaman magpapatupad ang unibersidad ng “Libreng Sakay” mula sa piling lugar, limitado lamang ang saklaw nito. Ang rutang Guagua Plaza–PampangaStateU at SM City Pampanga–PampangaStateU ay may takdang biyahe at may patakarang ‘first come,first served’. Ang sistemang ito ay hindi sapat upang matugunan ang pangangailangan ng lahat, lalo na ang mga estudyanteng nakatira sa malalayong bayan tulad ng Apalit, Floridablanca, Arayat, Porac, at iba pa, na umaasa sa lokal na pampublikong transportasyon.
Ang problemang ito ay hindi nakatali lamang sa Main Campus; nararanasan din ito ng mga regular campus. Sa Lubao Campus, naglabas ng saloobin ang mga mag-aaral kung paano sila maaapektuhan ng pagpapatuloy ng klase gayong wala ring inisyatibong nakalaan para sa kanila. “Many students from the Lubao Campus are questioning why only the main campus is granted the privilege of a free shuttle service. This situation raises concerns about fairness and accessibility, especially for students who rely heavily on public transportation. The issue is further intensified by the fact that this is occurring during midterm examinations, a critical period when students are required to arrive early and be fully prepared,” saad ng isang estudyante mula rito.
Sa Mexico Campus, bago pa man tumaas ang presyo ng langis, nahihirapan na silang makahabol sa sasakyan. Ngayon, mas matindi ang kanilang pakikipagsapalaran dahil sa lumalalang problema sa transportasyon. Ayon sa isang estudyante, “Our campus is located in a secluded area. We already struggle to catch a jeep even before the oil price hike came, and we struggle even more today since most drivers went on strike.”
Ang edukasyon ay dapat naaabot sa lahat, anuman ang lokasyon o kakayahang pinansyal. Ang pagpapatuloy ng klase sa kasalukuyang sitwasyon, nang walang sapat at inklusibong tugon, ay malinaw na nagpapakita ng kakulangan sa konsiderasyon sa kalagayan ng mga estudyante. Ang simpleng pansamantalang solusyon ay hindi sapat. Ang tunay na paninindigan ay makikita sa pagbibigay ng konkretong aksyon na nagtataguyod ng edukasyon at pakikiisa sa panawagan ng mga drayber at commuter.
Sa ganitong konteksto, mariing naninindigan ang aming lupon na ang pamunuan ng Unibersidad, kabilang ang University Student Council (USC), at mga lokal na pamahalaan ay dapat maglaan ng sapat at inklusibong solusyon, makiisa sa panawagan ng mga drayber at komyuter, at tiyakin ang ligtas, maagap, at pantay na akses sa edukasyon para sa lahat ng estudyante. Gayundin, ang aming panawagan sa pamahalaan: tiyakin ang pantay na distribusyon ng subsidiya para sa mga drayber; ipatupad ang agarang solusyon sa pagtaas ng presyo ng langis.
Ang sitwasyong ito ay hindi lamang usapin ng pagpapaliban o pagkakansela ng klase. Kapag palagi nating hinahanapan ng sandaling alternatibong pamamaraan ang mga estudyante tuwing umuulyaw ang mga tsuper sa kalsada, hindi natin tunay na pinakikinggan ang kanilang hinaing. Binubura lamang natin ito sa pamamagitan ng pansamantalang solusyon.
Ang tunay na hakbang ay makiisa sa kanilang panawagan, dahil ang laban ng tsuper ay laban ng bawat komyuter—kabilang ang mga mag-aaral na umaasa rito.
SIGNATORIES:
ComPress – College of Computing Studies – Pampanga State University – Main Campus
ALab – Laboratory High School – Pampanga State University – Main Campus
Insight Pulse – Pampanga State University – Porac Campus
Regulus – Pampanga State University – Mexico Campus
The Buds – Pampanga State University – Lubao Campus
The Elasticos Gazette – College of Engineering and Architecture – Pampanga State University – Main Campus
The Regata – College of Social Sciences and Philosophy – Pampanga State University – Main Campus
Sapiens Multimedia – College of Arts and Sciences – Pampanga State University – Main Campus


