Pinara ng Modernisasyon: Ang Nalimot na Traditional Jeepney sa Central Terminal ng Arayat

DEBKOMPEOPLE

Chester John Biendo

10/13/20254 min read

Sa patuloy na pag-usad ng modernisasyon sa bansa, maraming sektor ang kinakailangang makiayon sa mga bagong polisiya at sistemang iniaalok ng pagbabago. Ngunit sa likod ng mabilis na pagsulong na ito, may mga nahihirapang makasabay—kabilang na ang mga tsuper ng pampasaherong jeep o ang tinaguriang mga “Hari ng Daan.” Hindi ito dahil sila ay tumututol sa modernisasyon, kundi dahil kulang ang suporta at oportunidad upang mairaos nila ang kanilang kabuhayan sa gitna ng transisyong ito.

Isa sa mga pinakaapektado ng hamong ito ang mga tsuper ng tradisyunal na dyip sa Central Terminal ng Arayat, Pampanga. Habang dumarami ang bilang ng mga modernong jeep sa kanilang munisipalidad, patuloy pa rin silang kumakayod kahit pa unti-unting nababawasan ang kanilang biyahe at pasahero.

Ang terminal, na dati’y tinatahanan ng mga tradisyunal na jeepney, ay unti-unti nang napapalibutan ng mga Electric Jeepneys o mas kilala bilang E-jeep. Sila na dating nangingibabaw sa lansangan ay tila unti-unti nang nawawala sa paningin at prayoridad ng mga pasahero ng Arayat.

Byaheng Modernisasyon

Noong taong 2017, inilunsad ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP)—isang komprehensibong reporma sa sistemang pampubliko ng transportasyon sa bansa. Layunin nitong tugunan ang matagal nang mga suliranin tulad ng paggamit ng mga luma at hindi na ligtas na sasakyan, kakulangan sa kaligtasan ng pasahero, at ang lumalalang problema sa polusyon. Kabilang sa mga hakbang ng programa ang unti-unting pagtigil ng operasyon at pagbawi ng prangkisa ng mga tradisyunal na dyip upang mapalitan ng modernong sasakyan.

Sa Central Terminal, kapansin-pansin ang naging epekto ng pagbabagong ito. Mula sa dati’y 20 unit lamang ng modern jeepneys, lumobo ito sa mahigit 100 sa kasalukuyan. Habang nagiging mas kapansin-pansin ang mga makabagong sasakyan, unti-unti namang naiiwan sa gilid ng kalsada ang mga tradisyunal na jeep na minsang naging haligi ng lokal na transportasyon.

Umaga pa lamang ay nakapuwesto na ang mga tsuper, sakay ng kanilang mga dyip sa terminal, buong pag-asang makakakuha ng pasahero. Ngunit sa kabila ng kanilang pag-aabang, madalas ay kakaunti—o sa ilang pagkakataon ay wala talagang mga pasaherong nais sumakay sa kanila. Ang kanilang presensya sa terminal, na dating masigla at puno ng ingay ng makina at busina, ay napalitan na ng katahimikan at pagka-abandona.

Napapaos na Busina

Nakapanayam ng The Industrialist ang mga tsuper sa terminal na ilang taon nang namamasada ng jeep. “May pasahero mang dumating, aalis rin sila,” hinaing ng isang tsuper na nakapila roon.

“Kapag dumaan kami, binabalewala kami. Kung sino ang naunang dumaan sa highway, dapat siya ang sakyan. Eh hindi—kapag dinaanan mo, parang wala kang dinaanan. Talagang hinihintay nila ’yung CARMEXSS,” ayon kay Dante De Guzman, isang 51-taong gulang na tsuper.

Hindi naman nila pinipilit ang mga pasahero, ngunit humihingi sila ng kaunting konsiderasyon, na kung may dumaan mang tradisyunal na dyip, sana ay ito ay sakyan na rin. Ito rin ang nagiging sanhi minsan ng alitan sa pagitan ng mga drayber sa terminal, kung saan umaabot sa agawan ng pasahero sa kalsada. Hindi na rin nila minsan napipigilan ang kanilang damdamin, lalo na’t dulot ito ng matinding pagkadismaya.

“Pinagsasabihan namin… kahit isakay niyo ’yan at punuin hanggang bubong, ganoon din naman ang suweldo niyo. Bakit hindi niyo na lang ipagkaloob sa amin ’yung natitira?” dagdag pa ng tsuper.

Sa likod ng mga linyang ito ay hindi lamang simpleng panawagan para sa kita. Ito ay sigaw ng mga taong unti-unting nawawala sa sistemang pilit nilang sinisikap na manatili. Ang tensyon sa terminal ay hindi produkto ng pagkakanya-kanya, kundi ng kakulangan sa isang sistemang magtatakda ng patas na pagtrato sa mga tradisyunal at modernong drayber.

Sukli sa Byaheng Hindi Tiyak

Sa buong araw ng pamamasada, madalas ay hindi sapat ang kinikita ng mga tsuper ng tradisyunal na jeep. Umaabot ito sa puntong sila pa ang kailangang mag-abono upang mabayaran ang boundary o renta ng jeep na kanilang ginagamit. Sa ilang pagkakataon, kailangan pa nilang maglabas ng halagang ₱400—isang malaking kaltas mula sa kanilang kakarampot na kita, lalo na kung kaunti o halos wala silang naisakay na pasahero sa buong araw.

“Kapag walang pasahero, ayun, mag-aabono ka… Minsan, wala talaga. Minsan, nag-aaway na kami ng misis ko kada uwi. ‘Yung mga anak ko, ilan pa ang nag-aaral—apat pa. Paano kung magha-high school na, ’di na makatapos? Ayun lang, ’yun ang inaalala ko para sa mga bata,” sambit ni De Guzman, habang pilit nilulunok ang bigat ng responsibilidad sa kabila ng bumababang kita.

Dagdag pa ng isa sa kanilang dating kasamahan na ngayon ay nagmamaneho na ng mini bus, “’Yung iba, dahil wala nang mai-drive. Hindi mo rin sila masisi kaya pumasok sila diyan.” Ang desisyong ito, aniya, ay hindi bunga ng pagtalikod sa nakasanayan kundi ng pangangailangang mabuhay—isang realidad na hindi madadala ng pagmamahal sa tradisyon lamang.

Hindi Dapat Maiwan sa Pag-Arangkada

Dahil sa patuloy na pagdami ng mga modernong sasakyan, ipinangako ng bagong alkalde ng munisipyo na si Jeffrey Luriz ang tulong na matagal nang inaasam ng mga tsuper. Binigyang-pansin niya ang pangakong tiyakin na may mga pasaherong sasakay at mapupuno ang mga jeep na bumabyahe palabas ng Arayat.

Bukas ang loob ng mga drayber sa makabagong transportasyon—ngunit ayon sa kanila, sana’y may suporta silang matatanggap upang makasabay sa pagbabago. Hindi sapat ang simpleng pag-alis ng luma at pagpasok ng bago—dapat ay may tulay na nag-uugnay sa dalawa upang walang maiiwan sa prosesong ito.

Ang kwento ng mga tsuper sa Arayat ay kwento rin ng maraming Pilipino, lalo na ang mga kabilang sa sektor ng transportasyon—mga taong patuloy na umaasa sa kabuhayan kahit madalas hindi sila nabibigyang pansin sa plano ng modernisasyon.

Habang ang makabagong sistema ng transportasyon ay may layuning gawing mas mabisa at ligtas ang biyahe, ang tunay na pag-unlad ay hindi lamang makikita sa anyo ng mga bagong sasakyan o teknolohiya. Ito ay nasusukat sa kung paano natin sinisigurado na walang maiiwan, at lahat ay may espasyo sa pag-unlad.

Dahil kung ang layunin ng modernisasyon ay para sa kapakanan ng lahat, dapat itong ipatupad sa paraang inklusibo—makatao, makatarungan, at may malasakit sa mga tulad nilang naging haligi ng ating mga daan sa loob ng maraming dekada.

Known as the third-oldest student publication in Central Luzon. The Industrialist is the premier student publication of Pampanga State University (formerly Don Honorio Ventura State University).

Made by 🤍 The Industrialist Graphic Design and Digital Development Team

Powered by One Artisan, LLC.