Saluhan Mo Ako
LITERARI


Siguro ay sadyang manhid lamang ang mga pandama ko
kaya palaging matabang ang putahe sa hapagkainan
at ang bawat araw ay isang walang katapusang siglo
na lagi’t lagi ay kailangan kong gampanan.
Hanggang sa saluhan mo ako…
at unti-unting tinuruan ang aking katawan
na makaramdam at damhin ang bawat pulsong
umiindayog sa musika ng iyong kahiwagaan.
Tinuruan mo akong makita ang ganda
sa bawat likha, kagaya nitong tula
na kung tutuusin ay kumpol lamang ng mga letra
kung ‘di lamang nito binabaybay ang ating pagsasama.
Minarkahan mo ang bawat sentimetro nitong sansinukob
ng tinta ng ating mga pangarap at alaala
sa puntong kahit ang bukas ay akin nang ipinagkaloob
sa mga bulong na isinawika sa silong ng munting pag-asa.
Ayaw kong maging matabang ulit ang nilaga
o maging kapaguran ulit ang bagtasin ang kalsada,
ayaw kong bumalik sa pagiging bangkay
ang kaluluwa kong kinitil ng paghihintay.
Gusto kong manatili sa mahika nitong tagimpan
na nagsasabing lahat ng ito'y may patutunguhan
basta't mayroong ikaw na hahalik sa aking noo
at tayo na bubungad sa bawat pagbangon ko.
Kaya huwag ka sanang magsawang turuan ako
sa ‘di mabilang na bagay na darating pa sa mundo
sapagkat wala namang saysay itong aking pagkatuto
kung hindi lang din ikaw ang hahawak sa kamay ko.
