Santelmo
LITERARI


Binalot na ng dalamlam ang kalangitan,
subalit animo'y may tanglaw sa kapaligiran—
liwanag na nagmula sa mala-bituing itinakwil ng alapaap
at sinakdal sa katubigan kaya't humayo sa pantalan
upang gambalain ang sangkatauhan.
Sa may kalayuan ay dinig ang mga alulong,
hudyat na may paparating o kaya isang aparisyon,
ngunit sa halip na mabagsik na wangis at matalim na pangil
ay daan-daang bola ng santelmo ang humalik
sa katawan ng nasyong inupos ng lamig.
Sinusundo nitong mga ningas ang kaluluwa—
hindi lamang ng mga namayapa kundi pati ng mulat pa,
dahil kung hindi man langit ang kanilang kasasadlakan,
saka ihahatid sa kanila ang nanyayapos na impyerno
ng mga diyablong nagsiawit sa trumpeta ng pang-aabuso.
At kung di sapat ang apoy upang sunugin ang hininga
ay masisimot ang laman sa panaghoy ng sikmura,
habang kinakabog ng bawat kaluskos ang pusong
halos manalanging huwag nang masilayan pa ang liwanag ng santelmo sa papalapit na umaga.
Hindi Nobyembre ang didikta sa kanilang kilabot at pangamba,
gayong saksi ang bawat pares ng mata,
kung kailan nagsimula ang lagim na sinapit nila—
‘pagkat silang walang katiyakan ang paroroonan
ay nauna nang abangan ng kanilang huling hantungan.
