'Ustu na ing albug, solusyun naman!'

BALITA

Dense Ace Arce

10/4/20252 min read

Lubog man sa baha, umangat naman ang ilang dekadang panawagan at hinaing ng mga residente mula sa bayan ng Macabebe at Masantol na nakilahok sa isinagawang Saingsing People's Rally sa San Nicolas de Tolentino Parish, Macabebe nitong Oktubre 2.

Sa pangunguna ng youth leaders, concerned citizens, at religious groups mula sa mga naturang bayan, nagsimula ang people's rally sa pamamagitan ng Solidarity Walk at Solidarity Mass na nakasentro sa pagkondena sa malawakang katiwalian na isa umano sa dahilan kung bakit palaging lubog pa rin ang kanilang mga lugar sa baha.

Binigyang diin ni Luis Magat, isa sa mga youth volunteer at organizer mula sa Macabebe, na ang mga araw-araw na pasakit na sinusuong ng mga residente ang nagtulak upang isagawa ang nasabing rally.

"Kaming mga taga-Macabebe at Masantol, kami 'yung pinakaapektado ng baha sa buong probinsya ng Pampanga. Dapat siguro kami mismong ang tumindig para mapakinggan din nila kami — kasi kami 'yung nahihirapan, kami 'yung nakakaranas," ani Magat.

Ayon sa mga residenteng nakapanayam ng The Industrialist, naging parte man ng kanilang pamumuhay ang problemang dala ng 'di maalis-alis na perwisyong tubig sa naturang mga bayan, panahon na umano upang kalampagin ang gobyerno dahil sawa na sila hindi lamang sa baha, kundi sa lantarang pagpapabaya.

"Hindi ko na po matandaan since last kong nakitang tuyo po yung daan namin," emosyonal na pagbabahagi ni Isabela Cariño, youth convener mula sa Masantol, ukol sa ilang dekada nang pagbaha sa kanilang mga lugar.

Bukod sa pagsariwa sa 'naging normal' nilang pamumuhay sa bahaing komunidad, inilahad rin ni Cariño ang kaniyang galit sa kawalan ng maayos na aksyon mula sa gobyerno upang masolusyunan ang matagal na nilang suliranin.

"Nakakagalit kasi naghihirap po kami sa baha, pero ito pong mga nanunungkulan natin, nababalitaan po natin na kaliwa't kanan po 'yung limpak-limpak na pondo na sinasabi po nila na may flood control pero hindi naman talaga na-actualize," pagdidiin ni Cariño.

Pasado alas-siyete nang mapilitang itigil ng mga organizer ang programa bunsod ng biglang buhos ng matinding ulan, ngunit kumpiyansa umano silang mapapakikinggan na ang kanilang panawagan at mabigyan ng agarang akyon ang lumalalang perwisyo sa mga naturang bayan.

Matatandaang tinaguriang "most flood-prone province" ang lalawigan ng Pampanga kung saan ang mga bayan ng Masantol at Macabebe ang dalawa sa pinaka-apektadong lugar dala ng mga bahang nagtatagal ng ilang araw, buwan, taon, at dekada.

Known as the third-oldest student publication in Central Luzon. The Industrialist is the premier student publication of Pampanga State University (formerly Don Honorio Ventura State University).

Made by 🤍 The Industrialist Graphic Design and Digital Development Team

Powered by One Artisan, LLC.