Walang Suspensyon ng Klase sa PampangaStateU sa Gitna ng Transport Strike; Libreng Sakay Ipatutupad para sa mga Estudyante
UNIVERSITY


Hindi naglabas ng opisyal na anunsyo ang Pampanga State University (PampangaStateU) hinggil sa kanselasyon ng face-to-face classes bukas sa kabila ng nakatakdang malawakang transport strike sa Marso 26 at 27.
Samantala, magpapatupad ng ‘Libreng Sakay’ ang unibersidad mula sa piling lugar simula bukas, ayon sa Facebook post ng University Student Council (USC) ngayong gabi.
Sasaklawin ng biyahe ang rutang Guagua Plaza–PampangaStateU at SM City Pampanga–PampangaStateU na magkakaroon ng biyahe sa 7:00, 8:30, at 10:00 ng umaga, at 4:30, 5:30, at 7:00 ng gabi at pinapayuhan ang mga sasakay na dumating nang maaga dahil first come, first served ang mga slot.
Ito ay kaugnay ng inilunsad ng grupong Manibela at iba pang transport groups ang nationwide transport strike bilang panawagan sa agarang aksyon ng pamahalaan sa tumataas na presyo ng krudo na inuugnay sa tensyon sa Middle East.
Lalahok sa tigil-pasada ang mga tsuper ng public utility jeepneys (PUJ), ride-hailing services, UV Express, motorcycle taxis, at truckers.
Samantala, kinumpirma naman ng City of San Fernando, Pampanga at Guagua ang hindi paglahok sa transport strike habang kabilang ang Floridablanca Jeepney Operators Drivers and Association sa lalahok sa nasabing tigil-pasada.


